Nanawagan ang grupong Pangisda Pilipinas sa administrasyong Marcos na pagtuunan ng pansin ang mga hamong kinakaharap ngayon ng pagsasaka at pangingisda para matiyak ang food security.
Bahagi ng panawagan ng mga ito ay ang paglalaan ng mas maraming pondo sa sektor ng pagsasaka at pangingisda.
Sa halip umanong ibuhos ang napakalaking budget sa militar, nakabubuting maglaan din ng malaking pondo para sa agrikultura.
Giit ng grupo, lalo pang lumalala ang kagutuman sa Pilipinas habang nagpapatuloy ang kakulangan ng akma at disenteng trabaho, kasama na ang pagkasira ng kalikasan.
Dahil dito, kailangan na aniyang bumuo ang pamahalaan ng mga pambansang polisiya at mga programa upang mapabilis ang modernisasyon ng agrikultura at pangingisda para matugunan ang kagutuman.
Komento ng mga ito, mas kakailanganin ng mga Pilipino ang tugon sa kagutuman at sapat na supply ng pagkain sa halim na mga bomba o giyera.