-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kinondena ng grupo ng mga mangingisdang Pilipino ang panibagong insidente ng panghaharass ng China sa West Philippine Sea.

Kasunod ito ng ginawang pang-aagaw at pagtapon sa dagat ng China Coast Guard sa suplay ng pagkain na na-airdrop ng Philippine Navy para sana sa mga sundalong nagbabantay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Fernando Hicap ang Presidente ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, hindi maiwasan ng ilan sa kanilang mga miyembro ang mangamba sa pagpunta sa West Philippine Sea lalo pa’t palala na ng palala ang mga ginagawa ng China.

Kung mismong ang mga tauhan umano ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy ang hinaharass ng China, lalo na ang mga mangingisdang Pilipino na sakay lamang ng maliliit na bangka.

Panawagan ng grupo sa gobyerno ng Pilipinas at China na magpatupad ng demilitarisasyon o tuloyan ng tanggalin ang mga militar sa West Philippine Sea upang maiwasan ang ganitong mga tensyonadong tagpo na posibleng mauwi pa sa mas malaking gulo.

Umaasa naman ang grupo na sa kabila ng ganitong mga insidente ay maidadaan pa rin sa mapayapang pag-uusap ang tensyon sa West Philippine Sea.