Kinondena ng mahigit 30 pangunahing business at civic organizations ang brutal na pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at driver nitong si Armanie Pabillo.
Sa isang pahayag nanawagan ang mga grupo para sa mas maayos na peace and order sa bansa at hiniling ang agarang hustisya sa mga salarin.
Ayon sa mga organisasyon, ang karumal-dumal na krimen ay hindi lamang personal na trahedya kundi isang banta sa demokrasya at kaayusan ng lipunan.
Tinawag nila itong isang “atrocity” at nanawagan para sa mabilis at malalim na reporma sa mga ahensya ng batas upang mapanumbalik ang tiwala ng publiko.
Ilan sa mga lumagda sa pahayag ay ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII), at Philippine Exporters Confederation (PhilExport).
Dagdag nila, ang patuloy na karahasan ay maaaring makasira sa imahe ng bansa, makapagpahina ng tiwala ng mga mamumuhunan, at magdulot ng takot sa mga komunidad.