Nakiisa na rin ang grupo ng mga negosyante at mga manggagawa sa panawagan sa pamahalaan na muling pag-aralan ang public utility vehicle modernization program at ang epekto nito sa kabuhayan ng mga tsuper, operator at kanilang mga pamilya.
Sa isang joint statement, nanawagan ang Leaders Forum para sa suspensiyon ng consolidation deadline para sa indefinite period at paglikha ng mas abot-kaya, tuloy-tuloy at carbon neutral mass transport system.
Sinabi din ng grupo na dapat maisama sa transport system ang suporta para sa local jeepney manufacturers para makalikha ng abot-kaya, ligtas at evironmental-friendly na mga sasakyan.
Inihayag din ng grupo na aabutin ng ilang taon para sa mga Pilipinong manufacturers para makapagsuplay ng sapat na electric jeepneys para sa bansa dahil kasalukuyang nagkukulang ng kapasidad ang local jeepney producers para mabilis na makapag-assemble ng units na inisyal na nasa 5,000 units kada taon.
Giit din ng leaders forum na ang pag-phase out sa mga dyip nang walang ibinibigay na abot kayang alternatibo para sa working-class commuters ay maaaring magresulta ng domino effcet sa domestic business at sa ekonomiya na posibleng magpataas sa cost of living at humantong sa inflation.
Ang naturang grupo ay binubuo ng Employers Confederation of the Philippines, Philippine Chamber of Commerce and Industry and Philippine Exporters Confederation Inc. at trade unions na Federation of Free Workers, Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa at Trade Union Congress of the Philippines.