Tinutulan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang panukala ng Department of Health (DOH) na pagpapatupad ng limang linggong lockdown para mapababa ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi ng acting president ng PCCI Edgardo Lacson, hindi lamang ang lockdown ang solusyon para matapyasan ang COVID-19 infections.
Dapat aniya na bilisan ng gobyerno ang pagbabakuna at patuloy ang pagpapatupad sa mga health protocols.
Iginiit pa ng PCCI president na mas nakakapagdulot aniya ng pangamba sa tao ang pagbanggit sa lockdown kaysa sa panganib na mahawaan ng coronavirus.
Ang pagpapatupad aniya ng panibagong limang linggong lockdown ay makakaapekto sa bahagyang pagbangon ng ekonomiya sa pagitan ng mga ipinaiiral na lockdown at posibleng mahinto ang momentum ng muling pag-usad ng mga negosyo.
Ginawa ni Lacson ang naturang pahayag matapos iulat ni Health Usec. Ma. Rosario Vergeire ang ilang projections ng mga experts na posibleng bumaba ng hanggang 15,000 ang active cases sa katapusan ng buwan ng Setyembre kapag nagpatupad ng mas mahigpit na mga quarantine classification.