Nagbabala ang grupo ng mga negosyanteng Filipino-Chinese sa posibleng epekto sa ekonomiya sakaling magpasya ang pamahalaan na putulin ang ugnayan ng Pilipinas sa mga kompaniya at produkto ng China matapos ang nangyaring water cannon incident sa West Philippine Sea.
Nagpahayag rin ng reservations si Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) President Cecilio Pedro kaugnay sa panawagan ni Senate President Juan Miguel Zubiri na i-boycott ang mga kompaniya ng China sa bansa.
Aniya, nakakasama pareho sa Pilipinas at China ang planong pag-boycott dahil sakaling magpasya din aniya ang China na itigil ang pagbili ng raw materials at sa mga prutas na ini-export ng Pilipinas, marami aniyang mapipinsala.
Dagdag pa nito na dapat na pag-aralang maigi ang panawagang pag-boycott sa mga kompaniya ng China sa bansa at ikonsidera na ang China ang pinakamalaking trade partner ng Pilipinas na nag-aambag ng 18% ng kabuuang $39 billion foreign trade ng Pilipinas.
Mayorya din aniya ng mga inangkat na produkto na pumasok sa Pilipinas noong nakalipas na taon ay mula sa China na pumapalo sa $28 billion o 20% ng kabuuang imports.
Kung kayat nananawagan ang Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. president sa mga politiko na huminahon at pag-aralan ang mas mainam na solusyon para matugunan ang tensiyon sa West Philippine Sea.