Hindi sang-ayon ang Philippine Nurses Association, Inc. sa pagtanggap sa mga clinical care associate sa mga health care facility.
Ito ang binigyang-diin ng naturang grupo kasunod ng anunsyo ng Private Sector Advisory Council na mayroon nang 300 clinical care associates ang natanggap na sa mga ospital bilang pagtugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tugunan ang kakulangan ng mga nurse sa Pilipinas.
Ayon kay Philippine Nurses Association, Inc. national president Dr. Elmer Bondoc, mula pa noong una ay tutol na ang kanilang grupo ukol sapagkat wala pa aniyang legistration sa bansa ang sumusuporta sa ganitong uri ng practice environment.
Maituturing kasi aniyang mga “underboard” ang mga clinical care associates dahil ang mga ito kasi aniya ay hindi nakakapasa sa kanilang mga licensure examination dahilan kung bakit hindi eligible ang mga ito na magtrabaho sa mga healthcare institutions.
Aniya, sa halip ay dapat daw ay pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang paghikayat sa mga licensed nurses na i-practice ang kanilang propesyon.
Marami kasi aniyang mga lisensyadong nurse sa bansa ang mas pinipili na lamang na magtrabaho sa ibang industriya nang dahil sa mas mataas na kita at mas maayos na working environment bagay na dapat aniyang tinutugunan ng pamahalaan.