KORONADAL CITY – Nakatakdang magsagawa ng protest rally ang mga Pinoy sa iba’t ibang estado sa Amerika upang kondenahin ang lumalalang kaso ng hate crimes laban sa mga Asyano sa nabanggit na bansa.
Ito ang iniulat ni Jelin Dohina Asamoah na tubong Tampakan, South Cotabato at nakapag-asawa ng black American na naninirahan na ngayon sa New York City.
Ayon kay Asamoah, kasapi umano siya ng Socksargen group in US, ang grupo ng mga Filipino American sa Estados Unidos na kasama sa nag-organisa ng isasagawang protest rally sa darating na Sabado, Abril 10, 2021.
Daan-daang Pinoy umano ang inaasahang sasama sa protesta upang manawagan na mahinto na ang ginagawang hindi maganda sa mga Asyano lalo na at marami na rin ang namatay.
Sa ngayon umano dumarami na rin ang nasa state of trauma at takot na lumabas sa kanilang mga tahanan dahil sa posibilidad na mabiktima rin ang mga ito.
Napag-alaman na si Asamoah at ang black American na asawa nito ay makailang beses na rin na nakaranas ng pagmamalupit mula sa mga puti.
Dahil sa dumaraming kaso ng hate crimes, nagkakaubusan na umano sa ngayon ang pepper spray sa New York na panlaban ng mga Pinoy at ibang Asyano sa sinumang gagawa sa kanila ng masama.