Nagpahayag ng suporta ang grupo ng mga retiradong opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa agaran at ganap na pagpapasara sa Philippine Offshore Gaming Operators (Pogos) sa buong Pilipinas.
Sa kadahilanang nagdudulot ito ng seryosong panganib sa seguridad sa lipunan at lalo na nakakasira sa pagsisikap ng pamahalaan para sugpuin ang korupsiyon.
Ayon sa Association of Generals and Flag Officers (AGFO), Inc., na kinakatawan ng presidente at board chairman nito na si retired Vice Admiral Emilio Marayag Jr. na ginagamit umano ang maraming POGO outlets ng mga organized crime groups para sa mga ilegal na aktibidad tulad ng human trafficking, prostitution, kidnapping, cybcer scam, illegal drug trade, torture, surveillance at cyberattack sa mga ahensiya ng gobyerno at iba pang mga paglabag.
Sinabi din nito na ang naturang mga aksiyon ay lubos na banta sa values at seguridad ng mga Pilipino na nag-bunsod sa grupo na manawagan sa ilang mga mambabatas at ibang grupo na i-ban ang POGOs.
Inihayag din ng grupo na hindi lamang ito nakakaapekto sa kita, pag-unlad at mga oportunidad sa pamumuhunan ng mga lehitimong gaming sites gaya ng casino kundi nakakalikha din ito ng negatibong pang-unawa sa gambling na humaharang sa mga manlalaro na ikonsidera ang legal gambling establishments.
Kung maalala,sa mga nakalipas na buwan, sinalakay ng PAOCC ang ilang POGO hubs sa bansa kabilang na ang nasa bayan ng Bamban sa Tarlac at Porac sa Pampanga dahil sa alegasyon ng human trafficking at serious illegal detention at scam operations.