-- Advertisements --

Binatikos ng grupo ng mga magtatahong kasama ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) nitong Biyernes, Marso 14, ang lokal na pamahalaan ng Navotas City dahil sa umano’y “pagtanggi” na payagan muling magtayo ng mga tahungan matapos tanggalin, isang taon na ang nakalipas.

Panawagan ng grupo sa Lungsod na magbigay ng mga permit sa mga operator ng tahungan upang makapag provide ang mga ito ng trabaho.

Maaalalang ang ginawang demolasyon sa 200 tahungan noong nakaraang taon ay bahagi ng Reclamation Project ng Lungsod kung saan apektado ang mahigit 1,000 mangingisda, manggagawa, at mga operator ng tahungan, na nagbunsod sa pagkawala ng kanilang kabuhayan.

Ayon kay Rommel Escarial, presidente ng Pamalakaya-Navotas, dapat payagan ang mga mangingisda ng tahungan na muling itayo ang kanilang mga kabuhayan habang ang mga proyekto ng reklamasyon ay naka-hold pa.

Dagdag pa ni Escarial, ang pinakahuling cumulative impact study ukol sa mga proyekto ng reklamasyon mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay lalong nagpapakita aniya ng pangangailangan ng gobyerno na ibalik ang kanilang kabuhayan.

Binigyang-diin niya na kahit ang DENR ay hindi maitatanggi ang pinsala ng reklamasyon, at iginiit na walang dahilan para patuloy na pagkaitan ang mga mangingisda ng Navotas ng karapatang kumita.

Nabatid na noong 2023, ipinatigil ni Pangulong Ferdinand Marcos ang lahat ng proyekto ng reklamasyon sa Manila Bay dahil sa mga environmental concerns.