Nanawagan ang Filipino Nurses United (FNU) na itigil na ang pagha-harass at red-tagging sa mga healthcare worker,m partikular na ang mga nakikibahagi sa mga aktibidad ng unyon.
Ipinahayag ito grupo matapos na makalaya mula sa pagkakakulang ang Lumad advocate na si Dr. Natividad “Naty” Castro makaraang i-dismiss ng korte ang kasong kidnapping at serious illegal detention laban sa kanya.
Dahil dito ay sinabi ng grupo na nabuhayan sila ng loob at sila ay nalulugod dahil naihatid na raw ang hustisya para kay Doktora Naty na tanging hustisya at tunay na reporma lamang ang hinahanap.
Ngunit sa kabila nito ay ipinahayag ng nasabing grupo ng mga nurses na patuloy silang magagalit dahil sa pagkakakulong ng iba pang mga tagapaglingkod at tagapagtaguyod daw ng karapatan nang dahil lamang sa mga gawa-gawang kaso sa ilalim ng subversion na ibinabato ng pamahalaan.
Bukod ito ay marami din daw mga healthcare workers na nakikibahagi sa union activities ang nakatatanggap ng pananakot mula sa “state forces” na sinisiraan at hinaharass daw sila sa pamamagitan ng red-tagging.
Magugunita na una nang inaresto ng mga awtoridad si Castro dahil sa kaugnayan nito sa mga komunistang rebelde sa pulis at militar sa Mindanao.