-- Advertisements --
DOH

Nagsampa ng reklamo ang United Private Hospital Unions of the Philippines (UPHUP) sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) laban sa ilang regional offices ng Department of Health (DOH) dahil sa kabiguang tugunan ang inquiries kaugnay sa matagal ng pagkaantala ng pamimigay ng health emergency allowances (HEA) para sa healthcare workers.

Ang mga tanggapan na ito ng DOH ay nakabase sa Ilocos Region, National Capital Region, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at Bangsamoro Region.

Sa inihaing complaint ng grupo na binubuo ng 20,000 healthcare workers, sinabi nitong nag-isyu sila ng sulat na ipinadala sa 16 na regional offices ng DOH sa pamamagitan ng email na nagtatanong at humihiling para sa paglalabas ng hindi pa nababayarang HEA benefits para sa mga healthcare workers na nagtrabaho sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic subalit malaking bilang sa mga regional offices ang hindi nag-acknowledge man lang o tumugon sa kanilang requests na lagpas na sa halos isang buwan.

Kaugnay nito, nilabag umano ng 11 regional offices ng DOH ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018..

Sa ilalim aniya ng nabanggit na batas, ang mga simpleng transaksyon ay dapat aksyunan ng nakatalagang opisyal o empleyado sa loob ng 3 working days, habang ang mga kumplikadong transaksyon naman ay 7 working days mula sa petsa na natanggap ang request.

Giit pa ng grupo na sa ilalim mismo ng Citizen’s Charter 2023 ng DOH, nakasaad na dapat isang araw at 20 minuto lamang ang oras ng pagtugon para sa mga kahilingan sa email at mga katanungan.

Kung kayat nag-inisyatibo na aniya sila matapos na makatanggap ng malaking bilang ng reklamo mula sa mga healthcare institution sa buong bansa kaugnay sa naantalang HEA.

Ibinunyag pa ng grupo na base sa data mula sa 155 ospital na mayroong 53,000 healthcare workers sa 16 na rehiyon sa bansa, mayroong 19 na buwang hindi pa nababayarang HEA na katumbas ng halos P5.8 billion.

Una rito, sinabi din mismo noon sa eksklusibong panayam ng bombo radyo kay Health Secretary Ted Herbosa na target nilang makumpleto ngayong taon ang pamamahagi ng hindi pa nababayarang HEA ng mga healthcare workers sa bansa.