-- Advertisements --

Nababahala na umano ang grupo ng mga private schools sa bansa sa napakababang bilang ng enrollment sa mga pribadong paaralan para sa nalalapit na school year 2020-2021.

Batay kasi sa pinakahuling datos mula sa Department of Education (DepEd), nasa mahigit 1.3-milyon pa lamang ang nga nagpapatalang mga estudyante sa mga pribadong institusyon.

Kung ihahambing sa datos noong nakalipas na taon na pumalo sa 4.4-million na mga enrollees, ang numero ngayong taon ay 25% mas mababa.

Ayon kay Joseph Noel Estrada, managing director ng Coordinating Council of Private Educational Associations (Cocopea), nakakaalarma ang bilang ng turonout kahit na huli na silang nagbukas ng enrollment.

Batay din aniya sa survey na kanilang isinagawa noong Abril na nilahukan ng 500 sa 2,500 nilang mga member schools, nasa 400 o 80% ng mga respondent schools ang nagsabi na posible silang magsara sa harap ng nararanasang pandemya.

Sinabi rin aniya ng naturang mga paaralan na hanggang sa susunod na buwan na lamang ng Agosto tatagal ang kanilang mga resources.

Paliwanag pa ni Estrada, numero unong rason sa mababang enrollment ang kagipitang pinansiyal na nararanasan ng mga pamilya bunsod ng health crisis, na malaki ang epekto sa ekonomiya.

Samantala, inilahad ni Estrada na may mga estudyante na mula private schools ang nagsilipatan sa mga pampublikong paaralan, habang ang iba ay posibleng hindi pa nagpapa-enroll.

Una nang sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones na maliban sa problemang pinansyal, takot din umano ang mga magulang na papasukin ang kanilang mga anak sa paaralan sa pangambang mahawaan ang mga ito ng COVID-19.

Ngunit iginiit ng kalihim na hindi nila papayagan ang face-to-face classes partikular sa mga lugar na nakapagtala ng mataas na bilang ng mga kaso ng coronavirus.

Kung papahintulutan man ang pagsasagawa nito, doon lamang aniya sa mga lugar na itinuturing na mga low-risk areas o mga lugar na walang kaso ng sakit.