BAGUIO CITY – Iniimbestigahan na ngayon ng mga otoridad ang umano’y pangha-harass ng mga supporters ni re-electionist Bangued, Abra Mayor Dominic Valera sa grupo ni Abra board member Ana Marie Afable Bersamin na kandidato sa pagka-bise gobernador ng nasabing lalawigan.
Batay sa report, dalawa sa mahigit kumulang 40 na supporters ni Valera ay nakilalang sina Joseph Pilor at Jojo Delos Santos.
Base sa salaysay ng vice governatorial candidate, nangyari ang insidente bandang alas-6:30 ng gabi kagabi.
Nagpapahinga umano si Bersamin at ang kanyang mga supporters sa bahay ng nagngangalang Ising Castillo sa Sinapangan, Zone 6, Bangued, Abra nang may dumating na dalawang sasakyan patungo sa bahay ng punong barangay doon.
Huminto ang dalawang sasakyan sa gitna ng kalsada kung saan bumaba ang lahat ng mga pasahero ng mga ito na pawang naka-maskara.
Sumigaw umano ang mga ito kung saan pinapalapit nila sa kanila ang grupo ng board member ngunit hindi sila pinansin ng nasabing grupo.
Dahil dito, iniutos ni Bersamin sa kanyang mga supporters at sa kanyang securities na umalis na lamang sila ngunit hindi sila makadaan dahil nakaharang ang dalawnag sasakyan.
Nagresulta umano ito sa pakikipag-usap ng police escort ng kandidato sa mga nasabing supporters ni Valera hanggang sa umalis ang mga ito.
Agad namang nagreport sa himpilan ng Bangued PNP ang kampo ni Bersamin.