Inakusahan ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III ang grupo ni Energy Secretary Alfonso Cusi na nagsasagawa ng umano’y “power grab” gamit ang kanilang lapian na Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Ikinalungkot ni Pimentel ang nangyayaring pagiging oportunista ng ilang miyembro ng PDP-Laban.
Aniya, “dugo at pawis” na ang na-invest niya sa PDP-Laban sa higit 20 taon na niyang pinapatakbo ang partido mula pa sa kanyang ama.
Si Pimentel ang anak ng founder ng PDP-Laban na si yumaong dating Senate President Nene Pimentel.
May hinala si Sen. Koko na ang naturang “political maneuver” ng grupo ni Cusi ay magluluklok ng kandidato na hindi miyembro nila at sa huli kapag nanalo ay aabandonahin na ang PDP-laban.
Nanindigan si Pimentel na hindi sila dadalo sa national assembly na ipinatawag sa July 16 kasabay din ng panawagan sa iba pang mga miyembro.
Nagmatigas din ang senador na sila ang tunay na grupo ng PDP-Laban kasama si Sen. Manny Pacquiao.
Ang kanilang grupo daw ay magsasagawa rin daw nang pagtitipon sa buwan pa ng Setyembre.
Samantala ang grupo naman ni Cusi ay giit pa rin na walang bisa ang pagpapatalsik sa kanila at tuloy ang kanilang pagpupulong.