Pinaplano ng grupong Bayanihan para sa Karangalan at Kaunlaran ng mga Pilipino (BAYANIHAN) ang paghahain ng ethics complaint laban kay SAGIP party-list Rep. Dante Marcoleta.
Batay sa plano ng grupo, maaaring sa huling bahagi ng Agosto o unang bahagi ng Setyembre ay ihahain ang naturang complaint sa Kamara de Representantes.
Ito ay kaugnay sa umano’y mga pekeng pahayag ng mambabatas laban kay Commission on Elections chairman George Garcia at sa 2025 elections service provider, Miru Systems.
Ayon kay BAYANIHAN president Elmer Argaño, ang ginawa ni Marcoleta ay mistulang pagtatangka upang pahinain ang kredibilidad at kalayaan ng COMELEC.
Hindi aniya katanggap-tanggap ang naging aksyon ni Marcoleta bilang nahalal na mambabatas.
Dagdag pa ni Argaño, ang naging hakbang ni Marcoleta ay hindi lamang sumisira sa tiwala ng publiko sa democratic process bagkus, nagsisilbi rin itong banta sa kredibilidad ng nalalapit na halalan.
Ang plano ng naturang grupo ay maliban pa sa naunang inamin ni Comelec Chair Garcia na pinag-aaralan niyang maghain ng kahalintulad na reklamo laban kay Marcoleta kasunod ng mga bribery allegations ng mambabatas laban sa kanya.
Samantala, natanong din si Garcia kung may ugnayan ito sa grupong BAYANIHAN. Sagot ng Comelec chief, hindi niya kailangang hilingin sa ibang grupo na maghain ng reklamo para sa kanya, bagkus ay siya na mismo ang maghahain ng sariling reklamo.