BOMBO DAGUPAN — Walang nakikitang anumang problema ang DepEd National Employees Union sa pagkakatalaga kay Senator Sonny Angara bilang panibagong Kalihim ng Department of Education.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ernesto Alcanzare, Consultant ng nasabing organisasyon, isinalarawan nito ang bagong Kalihim bilang edukado at handa.
Aniya na bilang si Sen. Angara ang siyang may-akda sa K-12 curriculum, ay may kaalaman ito kung ano ang gagawin na hakbangin sa nasabing usapin.
Saad nito na maraming nagawa ang Senador para sa sektor ng Edukasyon kaya naman naniniwala ang mga ito na marami pa itong magagawa para sa Kagawaran.
Dagdag pa nito na ang pinakapangunahin nilang alalahanin na dapat tugunan ni Sen. Angara ay ang pangangalaga sa kapakanan at mga pangangailangan ng mga guro.
Kabilang na nga rito ang pagha-hire ng mga non-teaching personnel na sasalo sa ilang mga gawaing hindi na dapat ang mga guro ang gumagawa.
Ani Alcanzare na magiging malaking hamon ang gampanin ng Senador lalo na’t maraming suliranin ang kinakaharap pa rin ng DepEd na nangangailangan ng kagyat na pagtugon.
Hindi lamang aniya sa pagdaragdag ng pondo para sa kagamitan sa loob ng mga silid-aralan, subalit gayon na rin para sa pagdaragdag ng mga gusali, at marami pang iba.