Tinuligsa ng grupong 1Sambayan ang pag-amyenda ng 1987 Constitution sa pamamagitan ng people’s initiative dahil nagkukunwari lamang umano ito na tututok sa economic provisions ang gagawing charter change.
Para sa grupo, hindi ito para sa ikabubuti ng ekonomiya bagkus ay pansariling pulitikal na interest lamang ang gustong mangyari ng umano’y huwad na people’s initiative.
Sinisi rin ng 1Sambayan ang political dynasties sa korupsyong nangyayari sa bansa na mariing ipinagbabawal umano sa kasalukuyang konstitusyon. Dagdag pa nito, isinusulong ng 1987 Constitution ang hustiya at pagkakapantay-pantay pero tuluyan umanong gumagawa ng inhustisya ang mga pulitiko, isa na raw dito ang nangyaring extra-judicial killing.
Binigyang-diin din ng grupo ang batas na Public Service Act kung saan pinapayagan na ang full foreign ownership ng pampublikong serbisyo gaya ng airports, railways, expressways, at telecommunications.
Para sa grupo, hindi ito ang tamang panahon para amyendahan ang konstitusyon dahil mas marami umanong kailangang lutasin na problema ang bansa tulad ng pag-kontrol ng inflation, pagtaas ng sahod, pagbuo ng trabaho, at paggawa ng solusyon sa kahirapan.