Nagprotesta ang grupong Bagong Alyansang Makabayan sa harapan ng embahada ng Israel sa lungsod ng Taguig para tutulan ang tinawag nilang genocide sa gitna ng giyera sa pagitan ng Israel at militanteng Hamas.
Ayon sa grupo, sinubukan umano sila ng ilang security guards at pulis na pigilan ang mga nagpoprotesta subalit nagpatuloy pa rin ang mga ito.
Saad ng grupo, marami umanong Pilipino ang kaisa sa mga Palestino na kontra sa genocide o pagpatay ng malaking bilang ng lahi at kontra sa ginagawa ng gobyerno ng Pilipinas na pagpapakatuta umano sa Estados Unidos.
Ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes, mahigit 500 indibidwal ang nakibahagi sa protesta.
Ang naturang kilos protesta ay kasunod ng pag-abstain ng delegasyon ng PH mula sa resolution ng UN General Assembly na nananawagan para sa humanitarian truce at proteksiyon ng mga sibilyan sa gitna ng krisis sa Gaza na tirahan ng mahigit 2 million Palestinian at sentro ng pambobomba ng pwersa ng Israel bilang ganti sa sorpresang pag-atake ng Palestinian militant group na Hamas mahigit 3 linggo na ang nakakalipas.