LEGAZPI CITY- Nagpahayag ng pangamba ang Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE) matapos na makasama ang kanilang grupo sa mga pinangalanan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na umano’y front ng New People’s Army (NPA).
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay COURAGE National President Santiago Dasmariñas Jr., magmula umano ng maipalabas ng DILG ang memorandum circular laban sa kanilang grupo nakatatanggap na sila ng report mula sa mga miyembro na umano’y hinaharass ng mga sundalo.
Ilan sa mga ito ay mula sa lalawigan ng Masbate na pinupuntahan umano ng mga matataas na opisyal ng sundalo sa kanila mismong mga tahanan.
Hindi maalis ni Dasmariñas na mangamba sa kanilang seguridad sa posibilidad na mangyari ang sinapit ng ilang mga aktibista na napaslang sa operasyon ng mga otoridad o inatake ng di nakikilalang grupo.
Sa isa pang panayam nanindigan naman si ACT-Teachers Sec. Gen. Raymond Basillo na wala silang ibang sisisihin kundi ang inilabas na memo ng DILG sakaling may mangyari sa kanilang mga miyembro.
Maalalang napasama ang COURAGE at ACT-Teachers sa memorandum circular na inilabas ng DILG na pinababantayan ang mga miyembro dahil sa umano’y koneksyon sa communist terorrist group.