Nananawagan ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay sa gobyerno na magkaroon ng konsultasyon kasama ang mga pamilya ng informal settlers patungkol sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program ng administrasyong Marcos.
Ayon sa Kadamay, marami umanong pabahay ang wala namang tumitira sapagkat ayaw itong tirhan ng mga benepisyaryo dahil malayo sa trabaho.
Para sa Kadamay Secretary na si General Mimi Doringo, magiging sustainable lamang ang pabahay kung pinapakinggan at tinutugunan nito ang pangangailangan ng mahihirap at isinasama sila sa proseso ng decision-making.
Nauna ng binigyang-diin ni Interior Secretary Benhur Abalos na kailangang malapit sa orihinal na tirahan ng mga informal settler ang lokasyon ng gagawing pabahay.
Subalit nananawagan ang Kadamay ng on-site relocation para hindi umano maapektuhan ang trabaho at pag-aaral ng mga benepisyaryo.
Dagdag pang hiling ng grupo ay ang pag-alis ng interest at penalty fees sa buwanang bayad nito. Ito raw kasi ang nagiging dahilan kung bakit bumabalik din sa pagiging informal settlers ang mga benepisyaryo dahil nagpapatong-patong ang bayarin nito.
Inanunsyo na ng Department of Human Settlements and Urban Development na hindi lalagpas sa limang libo ang magiging monthly payment ng mga magiging benepisyaryo ng pabahay.
Ayon sa National Economic and Development Authority, may tinatayang 6.8 milyong tao ang nangangailangan ng pabahay mula taong 2017 hanggang 2022 ngunit naniniwala ang grupong Kadamay na higit pa sa bilang na ito ang kailangan ng permanenteng tirahan.