-- Advertisements --

CEBU CITY – Ikinadismaya ng grupong KARAPATAN – Central Visayas ang pagkamatay ng 14 na diumanoy subject sa isinagawang simultaneous search warrant operations ng Police Regional Office-7 sa Negros Oriental.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa Chairperson ng Karapatan na si Dr. Phoebe Sanchez, sinabi nito na hindi umano makatao ang ginawa ng PNP sa mga subject ng operasyon kung saan karamihan sa mga ito ay mga ordinaryong magsasaka lamang.

Ayon pa kay Sanchez, na isa ring propesor ng University of the Philippines Cebu, na hindi katanggap-tanggap sa kanya ang alegasyon na supporters umano ng New Peoples Army (NPA) ang mga ito.

Nakatanggap rin umano ito ng impormasyon mula sa pamilya ng mga subject na diumanoy planted ang mga armas.

Sinabi din ni Sanchez na mas mabuting dinala na lang sa korte ang mga subjet upang mapatunayan kung sumuporta ba sila sa NPA o hindi imbes na patayin agad.

Kung maalala, 12 rin ang nahuli sa simultaneous operation ng PRO-7 dahil sa illegal possession of firearms. Kasalukuyan ding bina-validate ang alegasyon ukol sa pagiging supporter diumano ng mga ito ng NPA.

Nagsagawa din ang grupong Karapatan – Central Visayas ng rally kung saan naglakad sila mula Fuente Osmeña hanggang sa headquarters ng Police Regional Office-7 sa Osmeña Blvd.,Cebu City.

Nag-alay sila ng dasal, nagtirik ng kandila, at tinalian ng 14 na black ribbons ang barrier ng PRO-7 Headquarters bilang tanda ng pagkamatay ng 14 na subject ng search warrant operations.

Ayon din kay Sanchez na nakatakdang magsagawa ang Karapatan-Central Visayas ng relief and rehabilitation operations sa mga kamag-anak ng 14 na subject ng simultaneous police operations.

Naniniwala si Sanchez na sa kung magkakaisa ang simbahan at ang mga mamamayan, makakamit nito ang hinahangad na kapayapaan sa komunidad.