KALIBO, Aklan—Nakulangan ang grupong Manibela sa ipinamamahagi na fuel subsidy para sa mga driver at operator ng mga pampublikong sasakyan.
Umarangkada na kasi ang programa sa pangunguna ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bilang solusyon sa kanilang kalugihan sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Manibela chairman Mar Valbuena, hindi sapat at kulang na kulang ang subsidiya sa halos sampung magkasunod na lingo na tumaas ang presyo ng gasolina, krudo at gaas.
Para sa tradisyunal jeepney drivers and operators gayundin sa UV express ay may tig- P6,500 pesos habang P10,000 pesos naman sa bawat unit ng modernong sasakyan.
Ang nasabing subsidiya ay makukuha lamang sa mga accredited gasoline station at hinde pwedeng i-encash dahil maituturing itong paglabag at posibleng mahaharap sa kaukulang parusa.
Tinatayang aabot sa 1.36 million na drivers and operator sa buong bansa ang makakatanggap ng subsidiya sa pamamagitan ng digital platform.
Sa ngayon aniya ay pinangangambahan nila ang posibilidad na muling maulit ang pagtaas ng produktong petrolyo sa susunod na lingo dahil sa patuloy na paggalaw ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.