Nakahanda ang grupo ng mga abogadong nasa likod ng ikatlong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na makipag-usap at makipag-tulungan sa iba pang grupo upang talakayin ang kanilang reklamo laban sa pangalawang pangulo.
Ayon kay Amando Virgilio Ligutan, kahit na hindi niya kilala ang mga miyembro ng iba pang grupo ay handa siyang makipag-usap sa kanila upang talakayin ang kanilang reklamo.
Aniya, dahil sa magkakapareho ang hangarin ng mga ito, nakahanda silang makipag-pulong sa iba pang grupo. Bagamat magkakahiwalay ang kanilang inihaing reklamo, pareho lamang ang nag-uugnay sa kanila.
Si Atty. Ligutan ay kumakatawan sa grupo ng mga abogado at mga pari na nasa likod ng ikatlong complaint.
Kinabibilangan ito nina Fr. Antonio Labiao at Fr. Joel Saballa ng Diocese of Novaliches, Carmelite priests Rico Ponce, Dionisio Ramos, at Esmeraldo Reforeal; Fr. Daniel Pilario ng Congregation of the Mission, at iba pa.
Una nang inirekomenda ni ACT Teachers Rep. France Castro ang pagpupulong o pag-uusap ng tatlong grupo na naghain ng tatlong magkakahiwalay na reklamo upang talakayin ang mga ito.
Si Castro ay bahagi ng Makabayan bloc na nag-endorso sa ikalawang impeachment complaint laban kay VP Sara.