-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ikinadismaya ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA ang lumalabas na report ng umano’y pagbabayad ng ilang mambabatas ng P100 pang makalikom ng pirma sa isinusulong na Chater Change.

Kasunod ito ng naging rebelasyon ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman na may mga mambabatas sa Bicol at iba pang bahagi ng bansa ang bumibisita sa mga barangay upang makaipon ng pirma para sa People’s Initiative ng Charter Change.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pando Hicap ang presidente ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, may miyembro na ng kanilang grupo ang nagreport na nakaabot na sa Sorsogon ang People’s Initiative at nag-iipon rin ng pirma ng mga magingisda.

Ayon kay Hicap iligal ang pagbabayad ng pera upang makakuha ng pirma lalo na kung para sa isinusulong na Charter Change.

Panawagan ni Hicap sa mga mambabatas na nagsusulong ng Cha-Cha na idaan na lang sa legal at tamang proseso, at huwag ng gumamit ng pera na mula din naman sa buwis ng mga Pilipino.

Payo naman nito sa mga miyembrong mangingisda na huwag magpapadala sa pera at sundin ang totoong saloobin kung nais na pumirma o hindi.