-- Advertisements --

Binatikos ng grupong Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA) ang umano’y ‘VIP treatment’ na ibinibigay kay Kingdom of Jesus Christ founder at senatorial candidate Apollo Quiboloy.

Ito ay kasunod na rin ng pagpapalabas sa recorded campaign message ni Quiboloy sa proclamation rally ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) nitong nakalipas na lingo.

Ayon sa grupo, ang naturang hakbang ay patunay ng umano’y double-standard na pgtrato ng pamahalaan sa mga detainees.

Tanong ni SELDA vice chairman Danilo dela Fuente, bakit nabibigyan ng pagkakataon si Quiboloy na makapagrecord ng campaign video gayong ang ibang mga presyo ay kailangang sumunod sa mas istriktong panuntunan sa loob ng kulungan.

Ayon kay Dela Fuente, ang mga mahihirap na detainees at mga political prisoners ay kailangang sumunod sa mga istriktong panuntunan habang ang mga may pera at mga makakapangyarihan ay nakakakuha ng special treatment.

Bilang kasagutan, sinabi ni Bureau of Jail Management and Penology spokesman Supt. Jayrex Bustinera na ang naturang video ay legal na kinuha o ini-record.

Ayon kay Bustinera, ipinagbabawal ng BJMP ang hindi otorisadong pag-record o paggamit ng mga camera sa loob ng mga kulungan.

Gayunpaman, mayroon aniyang court order para makapag-record si Quiboloy ng kaniyang mensahe kahit na siya ay nakakulong at kailangang sumunod dito ang BJMP.

Ayon kay Bustinera, ang video ni Quiboloy ay kinuha habang siya ay naka-confine sa Pasig City General Hospital at hindi sa loob ng kaniyang detention facility.

Unang ipinalabas ang video ng kontrobersyal na pastor sa rally ng PDP-Laban sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Ayon naman kay Atty. Israelito Torreon, ang legal councel ng nakakulong na kandidato, hawak pa rin ni Quiboloy ang kaniyang mga civil at political rights bilang isang kandidato sa halalan.