KALIBO, Aklan-Umapela ng tulong sa pamahalaan ang “We Are Boracay”, grupo ng mga maliliit na negosyante sa isla matapos na makaranas ng gutom dahil sa ipinapatupad na community quarantine dulot ng coronavirus disease (Covid-19) pandemic.
Ayon kay Rosario Moleta, presidente ng nasabing grupo na labis ang kanilang naranasang hirap dahil sa kawalan ng trabaho.
Naghihirap na umano ang mga negosyante sa isla dahil sa malawakang epekto ng pandemya kung saan, hindi parin nakakabawi ang mga negosyo kahit na binuksan ang Boracay sa mga turista ng Western Visayas.
Dahil sa kawalan ng trabaho at kita, umapela ng pinansyal na tulong ang grupo upang mapaaral ang kanilang mga anak sa nalalapit na pagbukas ng klase sa Agosto 24 para sa school year 2020-2021.
Nabatid na halos lahat ng mga establisyimento ay nagsara habang ang ilan sa kanila ay nagpatupad ng flexible work arrangement dahil sa pagkalugi ng negosyo.