Bumawi ang Golden State Warriors ng isang panalo at itinumba ang Milwaukee Bucks, 104 – 93.
Ito ay kasunod ng pagkatalong nalasap ng koponan kahapon(March 18) mula sa kamay ng Denver Nuggets, kasabay ng back-to-back match, ilang lingo bago tuluyang matapos ang regular season.
Hindi pinayagan ng GS ang comeback attempt ng Bucks sa 2nd quarter at ipinoste ang mahigpit na depensa.
Hawak kasi ng GS ang 14-point lead sa unang kalahating bahagi ng laban ngunit binura ito ng Bucks sa 3rd quarter, at tanging dalawang puntos lamang ang naiwan bilang deficit.
Pagpasok ng 4th quarter, naging mahigpit pa rin ang laban kung saan 4 mins bago matapos ang match ay tatlong puntos lamang ang kalamangan ng GSW sa Milwaukee, 96 – 93.
Halos dalawang minutong walang naka-score sa dalawang team hanggang maipasok ni Brandin Podziemski ang 26-feet na 3-pointer, 2 mins 19 secs bago matapos ang laban.
Sinundan pa ito ni Gary Payton II ng isang floater at pinaabot ang kalamangan sa walong puntos, 101 – 93.
Hindi na nakabawi pa ang Milwaukee at sa loob ng apat na minutong clutch time ay wala itong nagawang puntos sa kabila ng mga pinakawalang shots.
Gumawa ng 24 points, 10 assists, at walong rebounds si Jimmy Butler at pinangunahan ang GS dahil sa hindi paglalaro ni Stephen Curry. Nalimitahan naman si Bucks forward Giannis Antetokounmpo sa 20 points at siyam na rebounds.
Dahil sa panalo, nanatili ng GS sa ika-anim na pwesto sa Western Conference, habang hawak naman ng Bucks ang 5th place sa East, tangan ang 38 – 30 na win-loss record.