Magpapasaklolo si dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon sa Korte Suprema, makaraang ibasura ng Office of the Ombudsman ang kanilang motion for reconsideration para sa graft charges na kinakaharap.
Nabatid na nag-ugat ang kaso ni Guanzon sa reklamong inihain ni Atty. Ferdinand Topacio dahil sa pagsasalita nito ukol sa disqualification case ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong ito ay kumakandidato pa lamang.
Isiniwalat kasi niya pati ang ponente o nagsusulat ng desisyon para sa nasabing usapin na si Comm. Aimee Ferolino dahil sa paniniwalang may nakiki-alam sa usapin.
Para kay Topacio, hindi ito dapat gawin ng isang opisyal ng komisyon dahil maituturing itong katiwalian.
Nakitaan naman ito ng probable cause ng anti-graft body at ipinatutuloy ang reklamo sa hukuman.
Pero giit ni Guanzon, wala siyang kinuhang anumang halaga o pakinabang kaya hindi makatwiran ang inihaing graft charges.
Gayunman, nang magsumite siya ng mosyon ay ibinasura ito ng Ombudsman.
Naniniwala ang dating poll commissioner na nagkaroon ng pag-abuso ang anti-graft body sa paghawak sa kaniyang kaso.