Nakahanda umano si Comelec Comm. Rowena Guanzon sa kahit sa mahabang laban kung ito ang mararating ng kanilang banggaan ni rejected Duterte Youth nominee Ronald Cardema.
Ayon kay Guanzon sa panayam ng Bombo Radyo, siya lang talaga ang pinili ni Cardema mula pa noong umpisa.
Kung tutuusin daw ay ibang opisyal ng poll body ang gumawa ng resolusyon na nagbabasura sa aplikasyon ni Cardema at miyembro lamang doon ang lady commissioner.
Hinala tuloy ni Guanzon, siya ang tinarget dahil inakala ng dating NYC chairman na kakayanin siyang masindak.
“Ako talaga ang gusto n’yan, ibang commissioner nga ang nagsulat ng reso pero ako ang tinarget. Akala nya naman masisindak ako. Iba na talaga ang takbo ng utak, baka ‘di pa nakainom ng gamot,” wika ni Guanzon.
Giit ng opisyal, hindi na lang ito laban niya bilang indibidwal, kundi para sa kababaihan at sa mismong institusyon kung saan siya kabilang sakasalukuyan.
Hindi rin daw siya naniniwalang may matatangay pang kongresista si Cardema sa mga isyung pinalulutang nito para makabuo ng impeachment case.