Tahasang hinamon ni Comelec commissioner Rowena Guanzon si dating National Youth Commission chairman Ronald Cardema na lumutang at magsalita kaugnay ng pambabanta umano ng grupo nito sa opisyal.
Ito’y kasunod ng pagkansela ng Comelec 1st Division sa nominasyon ni Cardema bilang kandidato ng nanalong Duterte Youth party-list.
Sa isang presscon kanina, naglabas ng sama ng loob si Guanzon dahil dinamay na umano ng sinasabing “gang” ni Cardema ang kanyang pamilya sa pambabanta.
“Mr. Cardema should come out to the public and deny, because I want to hear him answer my accusation that his group or gang are threatening harm to myself and members of my family,” ani Guanzon.
“There’s a limit to what commissioners can ignore. You threaten me, that’s fine I can defend myself. If you threaten my family; children should be off-limits to all conflicts.”
Batay sa desisyon ng Commission on Elections (Comelec) hindi na ito maglalabas ng certificate of proclamation para kay Cardema.
Ibig sabihin hindi na ito makakaupo bilang representative ng Duterte Youth sa Kamara.
Bukod kay Cardema, tinawag din ng pansin ni Guanzon ang Party-list Coalition matapos umanong hayaan ang pag-attend ng dating opisyal sa mga naunang meeting nito.
“They should take a stance on this issue. Mr. Cardema has attempted to circumvent the party-list act and it makes them all look bad.”
Sa ngayon naglabas na raw ng memorandum si Guanzon para imbestigahan ng Comelec law department ang kasong kriminal na pwedeng isampa laban kay Cardema.