Naghain na ng kaniyang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) si dating Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Atty. Rowena Guanzon bilang 1st nominee ng P3PWD Party List kaninang umaga.
Sa kaniyang talumpati ay naglabas ng kaniyang sentimyento si Guanzon patungkol sa kasong isasampa umano sa kaniya ng Ombudsman na kasong graft and corruption.
Ayon kay Guanzon hindi na naawa ang mga opisyal ng Ombudsman lalo at siya ay kabilang sa Persons with Disabilities (PWD).
Ipinunto ni Guanzon na kahit kailan aniya sa kanyang karera sa loob ng 25 taon bilang public servant ay hindi siya nagkaroon ng isyu patungkol sa mga ibinabato sa kaniya ngayon ng ahensya.
Dagdag pa ni Guanzon, maaari aniya siyang i-contempt, ngunit para siya ay kasuhan at ikulong para sa kasong hindi naman umano siya kumita kahit isang singko ay hindi umano makatao.
Muling pinasinungalingan ni Guanzon ang isyu ng graft charges laban sa kaniya.
Samantala, inihayag ni Guanzon na siya ay dudulog sa Korte Suprema para idaan sa tamang proseso ang naturang kaso.
Sana raw ay madinig ng Korte Suprema ang kaniyang hiling na temporary restraining order para maiwasan ang biglaang pagpapakulong sa kaniya ng walang tamang mga papeles.