ILOILO CITY – Tuluyang naghain ng election protest ang natalong gubernatorial candidate sa Iloilo na si 4th district Congressman Ferjenel Biron kontra kay 3rd district Congressman at Governor-elect Arthur Toto Defensor Jr.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo, sinabi ni Cong. Biron na nais niyang buksan ang mga balota at magsagawa ng manual recount sa buong probinsya ng Iloilo.
Naniniwala aniya siya na may mga anomalyang naganap na naging dahilan upang matalo ito.
Ayon sa kongresista, may mga hawak silang testigo na makakapagpatunay na may dayaan sa mismong araw ng eleksyon kung saan siya ang ibonoto ng botante, ngunit pangalan ni Defensor ang lumabas sa resibo ng vote counting machine.
Dagdag pa niya na mayroon ding 100,000 sa kanilang lalawigan na hindi nabilang at nakapagtaka kung saan napunta ito.
Sinabi rin ng kongresista na hindi siya kumbinsido sa naging resulta ng eleksyon dahil malayong-malayo ito sa resulta ng survey ng Random Access Consultants, Inc., kung saan consistent itong nanguna sa ma surveys.
Sa panig ni Cong Defensor Jr., tinawanan lang nito ang naging hakbang ng kanyang natalong katunggali.
Ayon kay Defensor, mistulang walang merito ang mga dahilan ni Biron sa paghain ng election protest.
Sa ngayon ayon kay Defensor, hindi pa niya natatanggap ang kopya ng nasabing petisyon.