CAUAYAN CITY – Inamin ni Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla na may ilang napapaulat na guerilla hog traders ang patuloy na nakakapasok sa mga liblib na barangay ng lalawigan na itinuturing na malaking banta sa industriya ng pagbababoy dahil sa African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Padilla, sinabi niya na nagsisilbing malaking hamon sa kanila ang pagiging isa sa mga entry points ng Region 2.
Bilang tugon ay ibinaba niya ang executive order kaugnay sa pagpapaigting ng kanilang checkpoint kontra sa ASF, bagama’t nauna nang nagpalabas ng kautusan ang Department of Agriculture (DA) kaugnay sa pagpapaigting ng checkpoints sa lahat ng mga posibelng daan papasok sa rehiyon.
Bukod sa checkpoints ay magsasagawa na rin sila ng surveillance sa kani-kanilang mga sector at patuloy na pakikipag-ugnayan sa lahat ng mga punong barangay dahil nag-iisa na lamang ang kanilang meat inspector sa lalawigan.
Samantala, mahigpit na ring pinababantayan ang iba pang mga ruta o shortcuts na posibleng daanan ng mga meat traders na maaring magpasok ng mga karne ng baboy na kontaminado ng ASF.
Nilinaw din niya na ang mga nakitang mahigit 10 patay na biik ay hindi namatay dahil sa ASF kundi dahil nahirapang ipanganak ng inahin na sapilitang kinatay ng isang hog raiser.