Nagdududa na umano si Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao sa pagiging “random” ng mga drug test na dinaanan ni Kiefer Ravena.
Dalawang beses na kasing napili si Ravena para sa random drug test sa loob ng apat na araw sa 2019 FIBA World Cup, na kanyang unang torneyo buhat nang bumalik mula sa 18-buwang suspensyon dahil sa doping.
“Parang hindi accurate ang word na random. Maybe they’re really picking on him. Kaka-blood test, kaka-drug test lang n’ya,” wika ni Guiao.
Gayunman, hinayaan na lamang ito ni Guiao at ayaw niya raw na maging sagabal pa ito sa mga Pinoy na naghahanda sa pagtutuos nila ng powerhouse Serbia.
“Wala naman tayong tinatago so okay lang sa atin. Wala naman tayong kailangang hindi ipaalam sa kanila,” ani Guiao. “Gusto nila, tatlong beses isang araw syang dina-drug test, pwede rin ‘yon.
“Wala namang problema sa atin ‘yon.”
Sa panig naman ni Ravena, hindi niya raw pinepersonal ang nasabing isyu.
“I was a little surprised, my name being there (again), but like I said, I don’t take it personally,” sambit ni Ravena. “It’s part of the tournament I guess. They told us that at any part of the tournament, you can be called.”