Aminado si Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao na mahihirapan silang maabot ang target nilang maging best Asian team sa nalalapit na FIBA World Cup.
Una nang ibinunyag ni Guiao na isa rin sa kanilang layunin sa World Cup ay ang maging pinakamagaling na koponan sa rehiyon, na otomatikong mapapasama sa main draw ng 2020 Olympics sa Tokyo, Japan.
Sinabi ng beteranong coach, sakaling hindi makapasok ang China sa susunod na round, makikipagtagisan daw sila para sa best placing sa nasabing torneyo.
Ngunit ayon kay Guiao, hindi nila ito kontrolado lalo pa’t hawak ng host nation na China ang bentahe sa best finish.
“Just in case ang China ay hindi rin makapasok sa next round, then we have to compete for the best placing in Asia. Baka makalusot tayo sa Olympics,” wika ni Guiao.
“But as of now, we have very little control of that because ang tingin ko advantage na ang China roon sa best finish dahil magaan ang grupo nila.”
Huling sumabak ang Pilipinas sa Olympics noong 1972 sa Munich kung saan kabilang sa team noon sina Bogs Adornado, dating Sen. Freddie Webb at Manny Paner.
Sakaling mabigo ang Gilas na masungkit ang top Asian ranking, dadaan sa masalimuot na qualifying process ang mga Pinoy sa susunod na taon.