Hindi umano mag-aaksaya ng oras si Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao at kanyang kakausapin ang mga basketball officials ng bansa.
Kaugnay pa rin ito ng palyadong kampanya ng Pilipinas sa 2019 FIBA World Cup kung saan bumagsak sa ika-32 puwesto ang mga Pinoy sa nasabing torneyo.
Nitong umaga nang umuwi na rin sa bansa ang national squad galing sa Beijing, China.
Ayon kay Guiao, dito ay kanyang ilalahad ang kanyang mga obserbasyon at rekomendasyon para sa men’s basketball team program ng bansa.
Aniya, bago raw ito humarap sa Samahang Basketbol ng Pilipinas ay magkakaroon muna ito ng masinsinang usapan sa coaching staff at maging sa kanyang pamilya.
Una nang sinabi ng beteranong coach na inaako niya ang responsibilidad sa matamlay na performance ng Pilipinas sa nasabing torneyo.
Dahil dito ay handa rin daw siyang magbitiw o masibak sa puwesto bilang head coach kung ito ang nanaisin ng SBP.