-- Advertisements --

Hindi ikinaila ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao ang nararamdaman nitong pressure sa kauna-unahan nitong FIBA World Cup sa kanyang coaching career.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Guiao na nakadagdag din daw rito ang pagiging positibo ng mga basketball leaders ng Pilipinas na magagawa ng national team na makaapak sa next round ng World Cup sa China.

Gayunman, inihayag ng coach na kanya lamang isinasawalang-bahala ang pressure dahil sa ayaw nitong mahawa rin ang Pinoy cagers.

Kaya naman sinabi ni Guiao na kalmado lamang daw ang kanyang pamamaraan para labanan ang pressure lalo pa’t ilang araw na lamang bago magsimula ang torneyo.

“Ang attitude ko rito relaxed lang, wala naman tayong magagawa rito kundi ibigay ang lahat ng kakayanan mo eh,” wika ni Guiao.

“Bakit ka pa magpapa-pressure? Ibigay mo lang lahat ng kaya mo, maghanda ka nang mabuti, magtrabaho ka so ang resulta depende na ‘yan sa kagustuhan ng Panginoon natin kaya kailangan nating dagdagan ng dasal.”

Samantala, tiniyak naman ni Guiao na magiging maganda ang ipapakita ng Gilas sa kanilang kampanya sa World Cup.

Ayon kay Guiao, mangilan-ngilan na lamang ang kanilang mga adjustments na gagawin bago sila bumiyahe patungong China sa Huwebes.

Ani Guiao, bagama’t bigo sila sa kanilang huling tune-up game kontra sa Australian team na Adelaide 36ers, marami naman daw silang napulot na mga aral na kanilang dadalhin sa torneyo.