Nakatakdang ilabas ng Commission on Elections (Comelec) ang mga panuntunan sa susunod na linggo para i-regulate ang paggamit ng artificial intelligence at ipagbawal ang deepfakes sa 2025 midterm elections
Ayon kay Comelec chairman George Erwin Garcia, layunin ng komisyon na mabigyan ng patas na trato ang lahat ng kakandidato sa darating na eleksiyon.
Ang naturang panuntunan kaugnay sa paggamit ng bagong teknolohiya ay base sa resulta ng mga pagtalakay sa stakeholders’ forum at consultation dialogue na isinagawa ng poll body sa University of the Philippines noong Hulyo ng kasalukuyang taon.
Ang hakbang na ito ng Comelec ay kasunod na rin ng babala ng ilang IT expert sa malaking papel ng AI at deepfakes sa panahon ng pangangampaniya para sa halalan sa susunod na taon.
Kayat bunsod ng inaasahang paglaganap ng fake news at maling mga impormasyon kaugnay sa halalan, inirekomenda ng Comelec sa en banc na pagbawalan ang mga kandidato mula sa paggamit ng AI technology at deepfakes sa kanilang pangangampaniya, nagbunsod ito sa komisyon para bumalangkas ng guidelines para sa paggamit ng AI.