Natapos na umano ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagbalangkas sa mga guidelines para sa pagsasagawa ng limited face-to-face classes sa mga lugar sa bansa na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) sa susunod na taon.
Ayon kay CHED chairman Prospero De Vera, ilan sa mga nakapaloob sa naturang guidelines ay ang pagkakaroon ng proper ventilation at pagsunod sa physical distancing at iba pang mga health protocols sa loob ng klase sa new normal.
Sinabi ni De Vera, naging katuwang nila sa pagbuo ng nasabing panuntunan ang mga kinatawan mula sa Department of Health.
“Ang requirement po dito ay ire-retrofit mo ‘yung mga classroom para mayroong distancing, ‘yung ventilation,” wika ni De Vera.
“May posibilidad po na payagan ang limited face-to-face [classes] in MGCQ areas by January,” dagdag nito.
Una nang sinabi ng opisyal na bago mag-Enero ay maglilibot ito sa mga kolehiyo at unibersidad na balak magsagawa ng in-person classes upang tingnan kung anu-ano ang ginawa nilang mga adjustment sa kanilang mga silid-aralan.
Pipili rin aniya ang komisyon ng “prototype” ng reconfigured na classroom na maaaring gayahin ng ibang mga eskwelahan.
Samantala, nakukulangan umano ang CHED sa paliwanag ng ilang mga sektor na nagsusulong ng “academic freeze” o pagpapahinto sa pagbubukas ng mga klase ngayong taon sa harap ng nararanasang COVID-19 pandemic.
Ani De Vera, nangangailangan umano ng malalimang pagsasaliksik at maraming kailangang ikonsidera sa pagpapatupad ng academic freeze.
“Kasi ‘pag sinabi mong walang pasok ng isang taon, it is not correct for government to adopt a policy for the whole country where in fact, the conditions on the ground are different in different parts of the country,” ani De Vera.
Kaya naman, hamon ni De Vera sa mga nagsusulong ng academic freeze, maghain daw ang mga ito ng detalyadong proposal para matalakay ng komisyon.
“Mag-submit sila officially ng proposal sa commission en banc. With financial details, with legal analysis for this can be done,” anang opisyal.
Matatandaang ang Department of Education ay mariin ding tinutulan ang konsepto ng academic freeze na hindi raw binibigyang-pansin ng mungkahi ang epekto ng mahabang pagkaantala sa learning process ng mga bata.