Binago ng Commission on Elections (Comelec) ang guidelines nito para sa spending ban sa mga proyekto sa social welfare at public works kaugnay sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre 30.
Alinsunod sa Resolution No. 10944, ang period ng spending ban para sa mga proyekto sa social welfare ng national, mga rehiyon, probinsiya at mga lokal na pamahalaan, government-owned or controlled corporations (GOCCs) at kanilang subsidiaries ay mula September 15, 2023 hanggang October 30, 2023 maliban sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) na ang distribusyon ay ipinagbabawal mula October 20 hanggang 30, 2023.
Para naman sa mga social welfare projects na ipapatupad ng mga barangay, ang period ng spending ban ay mula October 20 hanggang 30, 2023.
Samantala, exempted din sa spending ban nang hindi na kailangan pa ng pag-apruba mula sa komisyon ay ang paglalabas at paggasta ng public funds para sa relief o iba pang goods na ipapamahagi sa mga apektadong indibdiwal o pamilya tuwing mayroong kalamidad o sakuna.
Maaaring isumite ang requests para sa exemption at exception ng proyekto, mga aktibidad at mga programa may kaugnayan sa social welfare at mga serbisyo sa Law department sa pamamagitan ng email o kaya’y maaaring isumite ng personal o sa pamamagitan ng courier nang hindi lalagpas sa Setyembre 1, 2023.