-- Advertisements --

VIGAN CITY – Inumpisahan na ng Ilocos Sur provincial government ang pagbuo ng mga alituntunin para sa inaasahang pagbubukas ng turismo.

Ito ay upang maibangon muli ang ekonomiya ng lalawigan na bumagsak dahil sa coronavirus pandemic.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Mayor Juan Carlo Medina, hindi pa aniya nila nakita ang guidelines ng Baguio City sa pagbubukas ng turismo nila dahil ito sana ang kanilang magiging basehan.

Gayunman, nasuspinde muna ang pagbubukas ng turismo sa Baguio City dahil kinakailangan pa nilang magsagawa ng pilot testing sa antigen test.

Ito ang gagamitin sa mga turistang darating upang maging ligtas pa rin ang kanilang nasasakupan kaya naman umano ay bumuo na ang Ilocos Sur government ng sariling guidelines na para naman sa kaligtasan ng mga residente at turistang bibisita.

Dito ay malilimitahan ang mga papasyal at may travel itinerary na siyang magiging basehan kung saan ang mga lugar na dapat lamang nilang puntahan.

Sa nasabing hakbang ay mas mapapadali umano ang pagsasagawa ng contact tracing kung sakali man may nakahalubilo silang positibo sa coronavirus.