-- Advertisements --

Inilabas na ng pamahalaan ang mga panuntunan sa pag-iingat at kontrol sa COVID-19 para sa mga institusyon sa pribadong sektor na pinayagang mag-operate habang may enhanced community quarantine (ECQ) at general community quarantine (GCQ).

Saklaw ng nasabing guidelines, na nanggaling sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI), ang lahat ng mga workplaces, mga employers at mga manggagawang magbabalik trabaho.

Bago pumasok sa gusali o lugar ng trabaho, dapat gawin ng mga employers at employee ang mga sumusunod:

  • Dapat magsuot ng face mask ang mga employers at mga empleyado sa lahat ng oras at tatanggalin lamang kapag kakain o iinom
  • Obligado ang mga employers na magbigay ng angkop na face masks para sa kanilang mga manggagawa, at kung magbibigay ng face mask na tela ay dapat washable o nalalabhan ito
  • Gumawa ng daily health symptoms questionnaire, at humarap muna sa guard o safety officer bago pumasok
  • Ipasuri ang temperatura. Kung may kawani na may naitalang 37.5 degrees Celsius pataas na temperatura kahit nagpahinga na ng limang minuto, kailangan itong ihiwalay o i-isolate
  • Kinakailangang sumailalim sa disinfection ang mga equipment o sasakyang ipapasok sa mga establisyimento
  • Sakaling may mahabang pila sa labas ng paligid ng opisina o establisyimento, dapat ipatupad ng mga roving officers ang physical distancing

Sa loob ng opisina, ito ang dapat na gawin ng mga kawani:

  • Dapat na linisin at i-disinfect isang beses kada oras ang lahat ng mga work areas at mga bagay na kadalasang hinahawakan
  • Tiyaking may sapat na tubig at sabon ang mga washroom at comfort rooms para may mapaghugasan ng kamay
  • Dapat magkaroon ng mga sanitizers sa mga pasilyo, conference areas, elevator, hagdanan at kung saan pang daanan ng tao
  • Siguruhing nagagawa ng mga empleyado ang physical distancing na may minimum na one-meter radius
  • Pinababawasan ang pagkain sa mga common areas gaya ng canteen, at dapat na pakainin na lamang sila sa kanilang individual work area
  • Regular na linisin at i-disinfect ang mga canteen at kusina

Hinikayat din ang mga kompanya na magbigay ng libreng gamot at vitamins sa mga empleyado.

Maliban dito, hinihikayat din ng DOLE at DTI ang mga employers na magpatupad ng work arrangements, gaya ng working-hour shifts at work-from-home.

Sa mga papasok pa rin sa mga lugar ng trabaho, hindi inirerekomenda ng gobyerno ang mahabang oras ng face-to-face interaction sa pagitan ng mga kawani.

Kung magsasagawa naman ng pagpupulong, dapat isagawa lamang ito sa maikling oras at panatilihin ang maliit na bilang ng mga dadalo sa meeting.

Nakaayos din dapat ang mga office table para mapanatili ang physical distancing.

“Work station layout should be be designed to allow for unidirectional movement in aisles, corridors, or walkways,” saad sa panuntunan.

Samantala, narito ang dapat na gawin sa oras naman na paghinalaan ang isang empleyado na may COVID-19:

  • Agarang dalhin ito sa itinalagang isolation area sa opisina
  • Kinakailangang sumailalim sa decontamination ang opisina, at maaari nang magbalik ang trabaho matapos ang 24 oras
  • Ang mga kasamahan ng empleyadong hininalang may COVID-19 ay dapat na sumailalim din sa 14-day home quarantine
  • Sakaling nagnegatibo ang empleyado sa COVID-19, maaari nang makabalik ang kanyang mga kasamahan sa trabaho

Ang mga kawani namang magkakasakit ngunit walang sintomas ng COVID-19 ay dapat na pagpahingahin muna ng employer sa trabaho.