-- Advertisements --
taiwan
Taiwan

Handa na umanong mag-move on ang Taiwan ngayong napatawan na ng korte na guilty ang walong opisyal at tauhan ng Philippine Coast Guard kaugnay sa kasong homicide dahil sa pagkamatay ng isang mangingisdang Taiwanese sa karagatang sakop ng Batanes noong 2013.

Ayon sa Taipei Economic and Cultural Office sa bansa, nawa’y magsilbing simbolo ng hustisya ang nasabing hatol kasabay ng pananatili ng matibay na relasyon sa pagitan ng Taiwan at Pilipinas.

“Today, the long-awaited justice in this shooting incident was served, but it was a hard and a bitter experience for both countries. We now have to move on from this tragic incident, and determine how to further enhance the bilateral relationship between our two countries,” bahagi pa ng statement.

Una rito, dudulog sa Court of Appeals (CA) ang PCG matapos hatulang guilty.

Sinabi ni Atty. Rod Moreno, abogado ng walong PCG personnel, bagama’t dismayado sila ay igagalang nila ang pasya ng korte at iaakyat na lamang nila sa CA ang naging desisyon ng Manila Regional Trial Court Branch 15.

Ang National Bureau of Investigation ang siyang nagsampa ng kaso sa korte laban sa walong tauhan ng PCG.

Ipinaalala pa ni Atty. Moreno na nangyari ang tinaguriang Balintang Channel incidents sa karagatang sakop ng bansa at malinaw ang ginawang panghihimasok ng Taiwanese fishermen sa teritoryo ng bansa.

Pinrotektahan lamang umano ng tropa ng PCG ang bansa mula sa mga dayuhan.