ILOILO CITY- Isinailalim na sa state of calamity ang Lalawigan ng Guimaras.
Ang nasabing deklarasyon ay isinagawa dalawang linggo matapos idineklara ni Guimaras Governor Samuel Gumarin ang Dengue outbreak sa nasabing lalawigan.
Mula nang idineklara ang Dengue outbreak, kinulang na ang health facilities sa Guimaras.
Ayon kay Gumarin, dahil nasa state of calamity na ang Guimaras, maaari nang magamit ang 5% na Local Disaster Risk Reduction Management Quick Response Fund kung saan gagamitin ito para sa mitigation at response measures.
Sa pinakahuling tala mula Enero hanggang Hulyo 20, umaabot na sa 893 ang dengue cases sa Guimaras kung saan 3 na ang patay.
Ang nasabing bilang ay mas mataas ng 1, 439.7% kung ihambing sa 58 cases na naitala noong nakaraang taon sa kaparehong period.
Ayon kay Gov. Gumarin, bibili ang lalawigan ng dagdag na larvicide, gamot, mosquito nets at Dengue Rapid Kits na ipamimigay sa mga paaralan sa buong Guimaras.
Magdadagdag rin ng mga doktor at medical practitioners upang magamot ang mga pasyente na may Dengue na naadmit sa mga hospital at rural health centers.