ILOILO CITY – Umalma ang mga tricycle drivers sa inilibas na memorandum ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nagbabawal sa kanila na pumasada sa national highways sa lalawigan ng Guimaras.
Ito ay kaugnay sa Memorandum Number 2020-004 o “Prohibiting Tricycles, Pedicabs, and Motorized Pedicabs from Operating on National Highways” ng Department of the Interior and Local Government.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Sangguniang Bayan Member Grace Palomo, chairperson ng Committee on Transportation sa bayan ng Jordan Guimaras, sinabi nito na tinatayang nsa 200 mga tricycle drivers ang mawawalan ng kabuhayan dahil sa nasabing regulasyon.
Ayon sa kanya, ang Highway Patrol Group at local government unit ng Guimaras ang nagpapatupad at sumusunod sa patakaran kung kaya’t wala na silang magagawa sa halip na sundin na lang ang direktiba ng Department of the Interior and Local Government.
Napag-alaman na ang mga tricycle ang siyang pangunahing transportasyon sa isla at inaasahan ng konsehal ang pagbagsak ng turismo kasunod ng nasabing hakbang ng ahensya ng gobyerno.