-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nagsagawa ng memorial service ang provincial government ng Guimaras sa Buenavista at Jordan Wharf para sa mga biktima ng Iloilo Strait tragedy.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Guimaras Gov. Samuel Gumarin, sinabi nito na hangarin ng pagsasagawa ng memorial service ay upang magbigay ng dasal sa mga pasaherong namatay dahil sa trahedya noong Agosto 3 kung saan tatlong pumpboat ang tumaob.

Ayon kay Gumarin, gusto nilang makatulong sa pagbawas ng sama ng loob at maibsan ang kalungkutan na nararamdaman ng mga pamilya na namatayan nga kaanak.

Samantala, sinabi naman ni Leizl Galan, public information officer ng Guimaras Provincial Government, pagkatapos ng memorial service at wreath laying sa Jordan Wharf para sa mga namatay na pasahero ng MB Chi-Chi, mayroon ding isinagawang memorial service at wreath laying sa Buenavista Wharf nitong alas-3:00 ng hapon para sa mga namatay na pasahero ng MB Jenny Vince.

Maliban sa mga pamilya ng mga namatay, dumalo rin ang mga survivor ng Iloilo Strait tragedy.