ILOILO CITY – All set na ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagbibigay ng maritime security sa nakatakdang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga biktima ng Iloilo Strait tragedy.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lt. JG Charibel Pugong, deck gunnery officer ng BRP Cape Engaño ng PCG-Western Visayas, sinabi nito na kasama nila sa pagbibigay ng seguridad sa pangulo ang Philippine National Police, Philippine Navy at Philippine Air Force.
Ayon kay Pugong, nagdeploy na rin sila ng K9 units upang matiyak ang seguridad ni Duterte.
Napag-alaman na personal na makikiramay ang pangulo sa biktima ng Iloilo Strait tragedy sa Guimaras at sa Iloilo na nag-iwan ng mahigit 30 kataong patay.
Sa ngayon ay pormal nang tinapos ang search and retrieval operations matapos na kinumpirma ng Iloilo City Disaster Risk Reduction and Management Office na wala nang natitirang nawawala sa mga pasahero.
Sa pinakahuling bilang 31 ang kumpirmadong patay, at 65 ang survivors mula sa tumaob na bangka.