Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Plant Industry at Bureau of Animal Industry ang mga gulay, prutas, at processed meat na dinala ng ilang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Ang mga nakumpiskang agricultural products ay broccoli, mushrooms, atis, oranges, at dragonfruit habang nakumpiska din ang mga processed meat tulad ng sausages.
Ang mga naturang produkto ay nagmula sa Xiamen sa China gayundin sa Taiwan at Canada.
Kaugnay niyan, pinaalalahanan ng Bureau of Quarantine Service sa NAIA ang mga pasahero na bawal ang pagdadala ng mga produktong pang-agrikultura nang walang permiso dahil maaaring may mga peste at makakaapekto sa paliparan pati na sa mga pasahero.
Kung matatandaan, sa unang bahagi ng buwang ito, sampung flight crew members ng Philippine Airlines ang nahuling nagdadala ng mga hindi idineklarang prutas at gulay mula sa Riyadh at Dubai.