Naniniwala umano si Senator Risa Hontiveros na hangga’t may pag-asang natitira sa puso ng pamilya ng 39 Filipino seafarers na patuloy na nawawala sa Amami Oshima Island sa Japan ay hindi rin dapat sumuko ang gobyerno ng Pilipinas sa paghahanap sa mga ito.
Sa pamamagitan ng isang sulat ay hinikayat ng mambabatas si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr. na pakiusapan nito ang Japanese government na payagang tumulong ang ibang bansa sa ginagawang search and rescue mission.
Nais ni Hontiveros na tumulong na rin sa paghahanap ang Pilipinas, Australia at New Zealand.
Ngayong araw naman ay nakatakdang bumalik sa bansa ang dalawang Filipino seafarer na nailigtas mula sa insidente. Kinilala ang mga ito na sina Eduardo Sareno, 45, at Jay-Nel Rosales, 30.
Magugunita na tumaob ang Gulf Livestock 1 ship sa karagatan noong Setyembre 2 ng kasaluyang taon dahil sa bagyong Haishen. May lulan itong 43 crew members na binubuo ng 39 na Pilipino, dalawang taga-New Zealand at dalawa rin sa Australia.
Noong Setyembre 10 naman nang iniulat ng DFA na mula sa nakasanayang sea patrol ng Japanese Coast Guard ay nagsagawa na ito ng full-time rescue mission sa mga nawawalang manlalayag ng naturang cattleship.
Hanggang ngayon kasi ay wala pa ring nakikitang trace ng Panamanian-flagged vessel.
Bago ito ay sinigurado naman ng ambassador ng Japan sa Pilipinas na si Koji Haneda na magpapatuloy lang ang search and rescue operations sa mga nawawalang crew members.
Sa kabilang banda ay libo-libong katao na ang lumagda sa isang petisyon na humihikayat sa Australian governments na sumali na rin sa ginagawang paghahanap.
May mga geographers at scientists na rin ang gumawa ng mapa kung saan ipinapakita ang posibleng maging focus ng paghahanap sa mga life rafts.
Pati sa social media ay inilunsad naman ng International Rescue Instructors Association (IRIA) ang kampanyang “Save The Forty” para kumalap ng mas maraming atensyon mula sa iba’t ibang bansa.
Nagpadala na rin ng sulat sa United Nation para sa isang international charter na idedeklara nito upang magkaroon ng access mga post-event high resoluion satellite imagery.
Gagamitin umano ito upang bumuo ng pinakamalaking volunteer search and rescue mission sa buong kasaysayan.